Estudyanteng babae ginulpi ng 6 lalaking kaklase sa loob ng classroom sa Aklan - ABS-CBN
MALINAO, Aklan — Isang Grade 9 na babaeng estudyante ang binugbog ng anim niyang kaklase sa loob mismo ng kanilang silid-aralan sa Malinao, Aklan noong Martes November 17, 2026.
Ayon sa biktima, iniwan sila ng kanilang guro bandang alas-2:30 ng hapon matapos bigyan ng aktibidad at utusang magligpit ang klase.
Dito umano nagsimula ang pang-aasar sa kanya ng mga nambugbog na kaklase sa pamamagitan ng pagtawag sa kanya ng mga salitang "buwaya," "bobo" at "malandi," bago siya binato ng tsinelas.
Tinangka umano ng biktima na gumanti sa pamamagitan ng pagpulot at paghagis palabas ng tsinelas na ibinato sa kanya. Ngunit bigla siyang dinumog at pinagtulungang bugbugin ng anim na lalaking kaklase.
Nagtamo siya ng mga pasa at pananakit sa likod at ulo na nagdulot ng pagkahilo at panlalabo ng paningin. Tinangka pa umano niyang kumuha ng upuan upang ipangtanggol ang sarili laban sa mga nanakit sa kanya.
Dagdag ng biktima, hindi ito ang unang pagkakataong nakaranas siya ng bullying dahil noong Grade 8 pa lamang siya ay hinampas na rin umano siya ng upuan sa ulo. Patuloy rin siyang umiinom ng maintenance na gamot para sa kanyang ulo.
Dahil dito, humihingi ng hustisya ang kanyang ina sa pamamagitan ng pagpo-post ng video ng insidente at paglapit sa pulisya ng Malinao at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Samantala, sinabi ng DepEd Aklan na nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon kaugnay sa insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng Malinao PNP sa nangyaring insidente.
