Korte sa QC, ipinagpaliban ang pagbasa ng sakdal vs VP Sara Duterte sa mga kasong grave threat
Ipinagpaliban ng Quezon City Regional Trial Court 98 nitong Biyernes ang pagbasa ng sakdal laban Vice President Sara Duterte kaugnay ng mga kasong grave threat dahil sa mosyon na inihain ng kaniyang kampo.
Sinabi ni Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ni Duterte, na hiniling nila ang pagpapaliban ng pagdinig, bagay na pinayagan ng korte. Tumanggi siyang ibahagi ang uri ng mosyon dahil sa pagiging sensitibo nito at bilang paggalang sa korte.
"Hindi muna matutuloy ‘yung arraignment, so suspended muna. So ‘yun lang po ang masasabi ko," sabi niya sa mga reporter sa isang ambush interview.
"Hindi ko masasabi po 'yung nature ng motion. Pero kabilang na doon sa mga hinihingi namin 'yung ipagpaliban muna or i-defer 'yung kaniyang arraignment habang pinag-aaralan ng huwes 'yung motion. So pinagbigyan naman niya 'yung pag-defer," dagdag niya.
Naghain ang kampo ni Duterte noong Agosto 21 ng mosyon para sa certiorari at pagbabawal laban sa mga impormasyong inihain sa korte ng Quezon City, na humiling ng injunction sa mga kaso at mapawalang bisa ang mga ito.
Nitong Setyembre 4, naghain sila ng mosyon na humihiling sa Korte Suprema na iutos ang pagbawi ng mga warrant.
Noong Huwebes, naghain din sila sa SC ng isang urgent motion para lutasin ang kaniyang aplikasyon para sa isang temporary restraining order sa kasong grave threats na isinampa laban sa bise presidente.

